Seminar ukol sa mga bagong asignaturang Filipino, dinaluhan ng dalubhasa ng Tanggol Wika


By upao - Posted on 24 July 2018

 

Bilang pangunahing tagapagsalita, pinaunlakan ni David Michael M. San Juan, isang kilalang tagapagtaguyod ng wikang Filipino ang seminar para sa mga guro na ginanap noong Hulyo 13, 2018 sa CAS-Little Theater na may temang, “Sulong Filipino: Edukasyong Makabayan sa Puso at Talinong Pilipino.” Si San Juan ay isang Associate Professor sa De La Salle University-Manila, pangulo ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF) at convenor ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika).

Sa kanyang lecture na pinamagatang “Praktikal na Gabay sa Akademikong Pagsulat Tungo sa Pagtuturo ng Filipino sa Iba’t Ibang Disiplina,” tinalakay ni San Juan ang dalawa sa limang syllabus na nilikha ng Tanggol Wika para sa pagtuturo ng Filipino sa kolehiyo. Nagbigay siya ng mga payo at kaalaman sa pagtuturo ng mga asignaturang “Komunikasyong Panlipunan” at “Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino.” Hinimok niya ang mga gurong kalahok na magturo ng Filipino na may konteksto tungkol sa mga nangyayari sa lipunan habang ikinukuwento niya ang mga pagpupunyagi ng Tanggol Wika upang patuloy na magkaroon ng asignaturang Filipino sa kolehiyo.

Ang Tanggol Wika ay grupo ng mga guro, mag-aaral, at manunulat na nagpetisyon sa Korte Suprema upang ipatigil ang CMO (CHED Memorandum Order) No. 20, s. 2013. Ang CMO 20 ay naglalayong ipatanggal ang wikang Filipino sa kolehiyo bilang bahagi ng implementasyon ng K-12. Dahil sa petisyon ng Tanggol Wika, ibinaba ng Korte Suprema ang isang Temporary Restraining Order (TRO) sa implementasyon ng CMO 20.

“Ang claim ng gobyerno ay binawasan iyong sa college kasi ibinaba daw sa Senior High School. Ang sabi natin noong 2014 onwards, bakit ang Filipino at Literatura inalis sa college (pero) iyong Math, Science, English, Psychology at iba pang subjects meron na nga sa Senior High School, meron din sa college,” kuwento ni San Juan.

Pagkatapos ng isang legal battle na nagsimula noong 2015 hanggang 2017, inilabas ang CMO No. 4, s.2018 na nagtaglay ng mga polisiya sa pagpapanatili ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo. Ang naturang CMO ay nagaatas ng siyam na yunit ng Filipino at anim na yunit ng panitikan sa mga estudyate ng larangang may kaugnayan sa Humanidades, Social Science at Komunikasyon samantalang anim na yunit ng Filipino naman para sa mga estudyante ng larangang hindi ugnay sa Humanidades, Social Science at Komunikasyon.

“Bagamat may mga hiningi tayo na wala pa rin, mainam-inam na ito kaysa wala. Pagbati sa tagumpay nating lahat. Tuloy ang laban at napakarami pa talaga nating ipaglalaban para sa wika at bayan!” Ito ang pahayag mula sa Facebook page ng Tanggol Wika sa araw ng kanilang pag-anunsiyo sa paglabas ng CMO No. 4, s.2018.

Nagpasalamat si San Juan sa BSU-Sentro ng Wika at Kultura sa pangunguna ni Dr. Winston N. Ros, Director ng BSU- Sentro ng Wika at Kultura sa pag organisa ng naturang seminar upang magkaroon ng pagkakataon ang mga gurong malaman ang kalakaran para sa kanilang kaalaman. Inanyayahan din niya ang mga kalahok sa mga seminar sa Manila at nagbahagi ng mga paksa para sa pananaliksik.

Ang 51 na gurong nakilahok ay galing CCDC, Bokod National High School, Saint Louis-Pacdal, Guinzadan National High School, BSU, Berkeley School, University of Northern Philippines, BSU-Buguias, ISPC-Sta. Maria, HRHS-Kayan East Mountain Province, ASIST-Bangued Campus, SYS-Bontoc, Pines City Colleges, MMSU-Batac City, MPSPC, DMMMSU, Palawan State University, DepEd Benguet, KCP, at Gaddani NHS. // Jen S. Tabangcura