Isinagawa ang CAHpability Building for Educators and Learners in Campus Journalism Series 3 noong ika-7 ng Pebrero 2026 sa Mababang Paaralan ng Albis, Bangho, Daclan, Tublay, Benguet. Ang gawaing ito ay bahagi ng programang pang-ekstensyon ng Kagawaran ng Filipino sa Kolehiyo ng Sining at Humanidades (CAH) ng Pamantasang Pampamahalaan ng Benguet (BSU) na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga guro at mag-aaral sa larangan ng pamamahayag pangkampus.

Lumahok sa nasabing gawain ang kaguruan ng Kagawaran ng Filipino, katuwang ang mga kasapi ng KATAFIL na binubuo ng mga mag-aaral ng Doktor ng Pilosopiya sa Wikang Filipino, gayundin ang mga miyembro ng Sinag Filipino na binubuo ng mga mag-aaral ng Batsilyer ng Sining sa Filipino. Sama-sama nilang ibinahagi ang kanilang kaalaman at kasanayan upang magsilbing gabay sa mga mag-aaral ng elementarya na siyang pangunahing benepisyaryo ng programa.

Nakatuon ang pagsasanay sa pagpapakilala at pagpapalalim ng kaalaman sa iba’t ibang anyo ng pamamahayag pangkampus, partikular sa pagsulat ng balita, lathalain, editoryal, balitang pampalakasan, at mga artikulong agham at teknolohiya. Isinagawa ang mga talakayan at gawain sa pamamagitan ng palihan at aktuwal na pagsasanay sa pagsulat upang malinang ang kakayahan ng mga mag-aaral sa maayos, wasto, at responsableng paghahatid ng impormasyon.

Dahil ang paaralan ay hindi pa kailanman nakabubuo ng sarili nitong pahayagan, layunin ng ekstensyon na maihanda ang mga guro at mag-aaral sa pagtatatag, pamamahala, at produksiyon ng isang pahayagang magsisilbing tinig ng paaralan. Sa pamamagitan ng gawaing ito, inaasahang mahuhubog ang kumpiyansa, kritikal na pag-iisip, at malikhaing kakayahan ng mga mag-aaral. //Samantha Guinabang