BSU, nakiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika

Sa pangunguna ng Kolehiyo ng Sining at Humanidades, nakiisa ang Benguet State University sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2023 na may temang "Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatudad ng Katarungang Panlipunan”.

Sa seremonya ng pagtaas ng bandila noong ika-7 ng Agosto na pinangunahan din ng nasabing kolehiyo, ibinahagi ni Dr. Myrna B. Sison-Kuiper, dekana ng Kolehiyo ng Sining at Humanidades, ang maikling kasaysayan at kahalagahan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto. "Pakatandaan na ang buhay ng wikang Filipino ay nakasalalay sa ating mga kamay. Kapag hinigpitan natin ito, hindi makakahinga at mamatay. Subalit kung niluwagan natin [ang wikang Filipino], mabubuhay at lilipad ito," sabi niya.

Ipinaliwanag naman ni Dr. Faustina T. Dio-as, koordineytor ng BSU-Sentro ng Wika at Kultura, ang tema ng nasabing pagdiriwang na kung saan pinunto niya ang apat na pagdiriwang ng buwan na ito. Una, ang "Filipino at mga katutubong wika," ay isang pagkilala sa katotohanan ng pagiging linguistically diverse ng Pilipinas. Pangalawa, ang mga wika sa pagtataguyod ng kapayapaan. Pangatlo, ang mga wika sa pagtataguyod ng seguridad at panghuli, ang mga wika sa ingklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan.

Inilahad din niya ang kahulugan ng ibon bilang pangunahing sagisag na makikita sa poster ng Buwan ng Wikang Pambansa 2023. Ayon sa kanya, ang poster ay sumisimbolo sa pagbibigay-priyoridad sa agrikultura bilang napakahalagang hakbang sa pagkamit ng maunlad na ekonomiya dahil ang sektor na ito ang pinagmumulan ng pagkain ng pamilyang Pilipino. Ito rin ang pangunahing kuhanan-salukan ng materyales na ginagamit sa pagbuo ng mga produkto ng iba't ibang industriya.

Sa kanyang mensahe, hinalintulad din ni Pangulong Felipe Salaing Comila ang ating mga wika sa mga nakatatanda. Ayon sa kanya, ang wika ay nagbibigay ng karunungan at pag-aalaga, katulad ng pag-aalaga at pagbibigay ng karunungan ng mga nakatatanda sa iba.
Bukod dito, umawit si Dr. Penelope F. Tica-a, tserman ng Departamento ng Filipino, ng isang "Uggayam", isang awit na maaaring gamitin sa mga seremonya at pangunahin na inaawit sa Rehiyong Cordillera.

Samantala, ibinahagi ni Dr. Samuel S. Poliden, bise-president ng Ugnayang Pang-akademiko, ang mga update sa pagsisimula ng mga klase at patuloy na pag-eenroll.

Nanumpa rin ang mga bagong talagang empleyado na pinangunahan ng pangulo ng pamantasan.